To live content with small means; to seek elegance rather than luxury, and refinement rather than fashion; to be worthy, not respectable, and wealthy, not, rich; to listen to stars and birds, babes and sages, with open heart; to study hard; to think quietly, act frankly, talk gently, await occasions, hurry never; in a word, to let the spiritual, unbidden and unconscious, grow up through the common--this is my symphony. [William Henry Channing]
Tuesday, May 13, 2008
Sunday, May 11, 2008
Saturday, May 10, 2008
Mamoo's Day
“Sana’y di nagmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan”
May 11, 2008…Mother’s Day
Araw daw ng mga nanay ngayon…
Hindi ko alam kailan pa ito sinimulang alalahanin at ipagdiwang bilang pagbibigay pugay sa mga ina ng tahanan….
Pero sa tingin ko, mahalaga ang araw na ito…at ang bawat araw ng buong taon sa pag alala at pagdakila sa ating Nanay…
Aaahhhhh!....I don’t want to sound melodramatic….corny yata? baduy?...ewan ko! Hindi naman kasi ako lumaking showy sa aking feelings, lalo na sa aking mga magulang.
Grade 4 ako, marunong na akong lumuwas ng Maynila from Laguna. Kailangan ko kasing dalhin ang mga kailangan ng nanay ko sa kanyang pagbabantay sa aming bunsong kapatid na buwan-buwan ay nasa hospital sa Manila. Sasakay ako ng bus sa Laguna, then sa jeep papuntang Laong Laan St sa Dapitan.
Sisitahin ako ng security guard ng hospital at tatanungin kung ilang taon na ako (bawal kasi ang bata sa hospital below 12 years old)…at dahil 10 years old pa lang ako, alam kong hindi ako papasukin. “Paano ang mga gamit na kailangan ng nanay ko?” Sasabihin ko ay “12 na po”….”Kailangan ka ipinanganak?”….”February 21 [sabay compute sa isip ng ‘1980 minus 12’]….1968 po!”…”Sige pasok na!....” sabi ng guard.
Ilan lang ito sa maraming pagkakataon na naging katuwang ako ng nanay ko….naging kanang kamay sa maraming bagay…siguro dahil nakita nya na ako ang kaniyang maasahan sa aming magkakapatid.
“Bomba!!!!”….ang madalas ko isinisigaw tuwing Sabado noong Grade 6 ako hanggang 4th year high school. Hudyat iyon na kailangan na ng isa sa mga kapatid ko na magbomba sa poso para sa pagbabanlaw ko ng damit naming na aking nilalabhan…kailangan kong tulungan ang nanay sa paglalaba ng aming mga damit dahil sya naman ay nagtatrabaho.
Alas singko ng madaling araw….oras na ng paggising….kailangan ko na bumangon dahil mamalengke para sa lulutuin ng nanay ko para sa kanyang paninda. Kailangan sya tulungan para maagang maluto ang mga pagkain na ibebenta sa iskwela.
“Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko’y tala, ang tanod ko’y bituin
Sa piling ni nanay, langit ay buhay
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan”
Hindi naman laging masaya ang aming relasyon bilang mag ina. Natuto akong lumaban sa matanda, masampal sa pisngi dahil sa pagsagot nang pabalang. Natuto rin akong lumayas ng bahay ng isang araw pero bumalik rin…minsan may mga reklamo sa buhay pero hindi rin itinanim sa puso kasi no big deal. Minsan nakakainis kasi nakakarindi, maingay.
Lumipas na ang maraming taon…lumaki na ako, nagtapos ng pag aaral, nakapagtrabaho, nangibang bayan, nangibang bansa. Kung aking aaalahanin, natuto ako sa maraming bagay, kasama ang aking nanay.
At sa paglipas rin ng maraming taon, nakita ko ang maraming pagbabago sa kanya. May mga nakakainis pa rin, pero mas marami ang para sa mas maganda.
Ngayon sya ay 67 years old na, at habang tinititigan ko ang mga litrato nya, marami na ring nagbago. Mas payat sya, kumulubot at lumaylay ang balat, numipis ang buhok, naubos ang ngipin at pinalitan na ng pustiso, lumabo na ang mata, nagsasakitan na ang mga kasu-kasuan….at kung aking iiisipin, hindi siguro ito dahil sa kanyang pagtanda…pero siguro dahil na rin sa maraming sakripisyo na kanyang inialay para sa kanyang walong anak….walong anak na iba-iba ang personalidad, iba-iba ang tinahak na buhay.
Sa kabila rin nito, naroon ang ngiti sa kanyang mga mata, marahil na rin sa kanyang pagmamalaki sa kung paano nya napalaki kaming magkakapatid.
…alam ko na sa bawat gabi na ako’y nasa malayong lugar, ipinagdarasal nya ang aking kaligtasan…alam ko na sa bawat araw na hindi nya ako kasama, hinihinling nyang wag akong magkakasakit...
Alam ko mahina na ang nanay ko…kailan lang ay naoperahan sya sa gall stone…diabetic sya…pero tambay yan sa binguhan!...yaan ko na lang sya mag enjoy.
Actually, gusto lang naman nya matikman ang konting kaginhawahan na pwede kong ibigay sa kanya. Konting kasiyahan na pinagdamot nya sa kanyang sarili para ang kanyang walong anak ang makaranas ng ginhawa at lumaking maayos.
Ngayong araw ng mga nanay, walang espesyal na maihandog para kay “Mamoo” para sa “Mamoo’s day”…kundi ang pagpapaabot ng aking pagmamahal. Walang extraordinary sa aming kwento, pero alam ko na siya ang ibinigay na “Mamoo” sa akin ng Diyos para maging kung sino at ano man ako ngayon…
Sa abot ng aking makakaya, ihahandog ko sa nanay ko ang aking lakas para sya ay maging maligaya sa buhay… at maging proud sa aming mga anak nya. Ang espasyong ito ay hindi sapat sa laki ng respeto at pagmamahal na nararapat kay Mamoo….hindi man ako vocal sa laman ng aking puso at isip…pero….
“Nais kong matulog sa dating duyan ko, inay
Oh! Inay”